(recovered entry from one of my first blog sites)

  1. Kapag sinasandalan ako ng katabi ko na parang nasa sofa siya na yung tipong ang sarap niyang tanungin, “Bahay mo?”

  2. Kapag super tagilid ng pagkakaupo ng katabi ko para humarap sa bintana ng jeep eh hindi naman kaluwagan ang jeep.

  3. Kapag may isang grupo ng high school students na kung makipagkwentuhan sa loob ng jeep ay para lang silang nakatambay sa tindahan.

  4. Kapag ayaw abutin ng kahit sinong pasaherong malapit sa driver ang pinapasuyong bayad tapos titingin pa sa’yo na parang nang-aasar talaga o di kaya eh nagbibingi-bingihan kahit halos lahat ng pasahero, ultimo yung katabi ng driver ay narinig naman na “BAYAD NGA PO! MAKIKISUYO NA NGA!”

  5. Kapag may pasaherong parang nagbalik-bayan sa dami ng bagahe na nakahambalang pa sa gitna ng jeep tapos sa exit ng jeep pa siya nakaupo. Idadahilan pa niya na “Diyan lang naman ako sa malapit eh,” pero nauna pang bumaba sa kanya yung mga sinundan niyang pasahero.

  6. Kapag kontodo makeup/retouch ang isang pasahero na parang mobile dressing room ang jeep.

  7. Kapag bingi si manong driver kaya umabot na sa halos isang kilometro ang pagbababaan ng pasahero dahil hindi niya narinig yung “PARA NA PO/DAW!!!” Badtrip lalo pag dinahilan pa ni manong na “Lakas-lakasan niyo kasi pagsasabi.”

  8. Kapag halos ulamin ko na ang buhok ng katabi ko sa sobrang pagkahangin no’n sa mukha ko. Feeling siguro niya nasa isang shampoo commercial siya kaya kaylangan isunod sa galaw ng hangin ang buhok niya.

  9. Kapag amoy damit na hindi natuyong mabuti ang katabi ko.

  10. Kapag loud and proud pa ang pagkakataas ng kamay ng katabi ko para kumapit.

  11. Kapag isang pasahero nalang ang iniintay para lumakad ang jeep tapos matataon pa na sa tabi ko siya ipagpipilitang isuksok.

  12. Kapag lahat na nang pwedeng hintuang lugar ay hinintuan na kahit puno na yung jeep sasabihin pa niyang “Maluwag pa! Maluwag pa! Sige ho, makikiayos na nga lang po ng pagkakaupo.”

  13. Kapag may magdyowang kung maglampungan ay kulang nalang ay magsex sila sa loob ng jeep.

  14. Kapag may pasaherong maximum volume kung magpatugtog ng hip-hop na kanta sa cell phone niya.

  15. Kapag may dumura sa bintana ng jeep at yung laway niya tumalsik sa kahit anong parte ng katawan ko. Grabe pag sa mukha ko pa malapit sa bibig ko.

Advertisements